-- Advertisements --

Central Mindanao – Patay ang isang terorista at nahuli ang kanyang kasama sa engkwentro ng mga otoridad sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang nasawi na si Monir Lintukan at ang nahuli ay si Randy Saro alyas Bobong, miyembro ng Dawlah Islamiyah Maguindanao group.

Ayon kay 602nd Brigade commander Colonel Jovencio Gonzales na nagsagawa sila ng focused military operation at Joint law enforcement support operation katuwang ang tropa ng 90th Infantry Battalion, 34th IB, Ist Scout Ranger Battalion, 4 JSOU at PRO-12 laban sa mga terorista sa Purok 7, Barangay Dungguan, M’lang, Cotabato.

Papasok pa lang ang tropa ng militar at pulisya sa kanilang target ay pinaputukan na ito ng grupo ni Almoben Camen Sebod alyas Polok ng DI-Maguindanao Group at Omal Kamsa ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Tumagal ng 30 minuto ang engkwentro sa magkabilang panig dahilan ng pagsilikas ng ilang sibilyan.

Umatras ang mga rebelde papasok ng Liguasan Delta sa direksyon ng Maguindanao.

Narekober ang bangkay ni Lintukan at nahuli si Saro ng mga sundalo kasama ang mga pulis.

Nakuha sa posisyon ni Lintukan ang isang M16 armalite rifle, bandolier, mga bala, magasin at isang improvised explosive device (IED).

Sinabi ni Col Gonzales na ang nasabing grupo ay sangkot sa pangingikil, pangloloko, pambobomba sa bus sa Aleosan, Cotabato at Parang, Maguindanao.

Sangkot rin sila sa bus bombing sa Koronadal City at nangyaring pagsabog sa Tacurong City.

Pinuri ni 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central acting commander B/Gen. Eduardo Gubat ang operating troops sa matagumpay na operasyon at hindi sila titigil sa pagtugis sa mga terorista.