Wala pang natatanggap na final report ang tanggapan ni Commission on Elections (Comelec) chairman George Erwin Garcia hinggil sa naganap na sunog sa bahagi ng gusali kung saan nag o-opisina ang komisyon.
Ipinahayag ito ni Garcia sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines at ipinaliwanag na sa ngayon ay wala pa aniyang final report tungkol dito dahil kinakailangan pa raw na magsagawa ng kaukulang imbestigyon dito upang malaman kung ano talaga nag puno’t dulo ng nasabing insidente upang mabigyang-linaw at matukoy na rin aniya kung sinadya, aksidente, o may dapat bang mapanagot dito.
Ngunit batay aniya sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), overloading na saksakan ang pinaghihinalaang posibleng pinagmulan ng pagsiklab ng apoy.
Sa ngayon ay sinabi ni Garcia na inatasan na niya ang Government Service Division (GSD) upang muling repasuhin ang mga patakaran patungkol sa fire safety prevention sa buong komisyon at iba pang opisina ng Comelec upang matiyak na hindi na muling maulit ang ganitong klase ng sakuna.
Samantala, sa kabilang banda naman ay tiniyak ng opisyal sa lahat na mayroon laging back-up files ang komisyon sa kanilang main server na palagi aniyang highly protected laban sa mga ganitong klaseng mga sakuna tulad ng sunog, lindol, baha, at iba pa.
Magugunita na bandang 6:53 ng gabi noong Hulyo 31 sumiklab ang apoy sa ika-pitong palapag ng gusaling nirerentahan ng Comelec na itinaas naman ng Manila Fire District sa second alarm bandang 7:02p.m., at idineklarang fire out pagsapit ng 8:18p.m.










