BAGUIO CITY – Nasawi ang isang sundalo matapos aksidenteng matamaan ng bala ng kanyang baril na nakalabit ng kanyang pinsan sa kanilang tinutuluyang silid sa Camp Allen, Baguio City nitong Miyerkules ng gabi.

Nakilala ng biktima na si SSgt. Romenick Dawaton, 42-anyos, liaison officer ng AFP-Northern Luzon Command, habang nakilala ang kanyang pinsan na si Balmaceda Dawaton, 20-anyos, estudyante.

Sa imbestigasyon ng pulisya, uminom ng alak ang magpinsan kasama ang isa pa nilang kamag-anak kung saan dito ibinahagi ng biktima ang kanyang problema at ipinag-utos ang pagtago sa kanyang baril na .45-caliber na pistola.

Nakasaad sa salaysay ni Balmaceda na habang nakatulog sa sofa ang kanyang pinsan ay nagtungo naman siya sa silid nito para kunin ang baril na nakalagay sa ilalim ng unan.

Inalis ng nakababatang Dawaton ang magazine ng baril para itago sana ito ngunit nang kinalabit niya ang gatilyo ng baril ay pumutok ito.

Tumagos ang bala ng baril sa kaliwang palad ni Balmaceda bago tumama sa tile floor, tumalbog at tumama sa dibdib ng natutulog niyang pinsan.

Itinakbo pa sa pagamutan ang sundalo ngunit nasawi ito habang ginagamot ng mga doktor.

Dinala na rin sa kustodiya ng pulisya ang suspek para sa karagdagang imbestigasyon habang narekober ang baril ng biktima.