-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Natukoy ng Board of Inquiry (BOI) na wala umano sa katinuan ng pag-iisip ang sundalong nag-amok at namaril patay ng kanyang apat na kasamahan sa loob ng isang unit ng 4th ID,Philippine Army na nakabase sa Camp Edilberto Evangelista ng Barangay Patag,Cagayan de Oro City.

Batay ito sa initial findings ng BOI na nagsagawa ng imbestigasyon kung bakit walang habas na pinagbabaril ng suspek na si late Pvt Johmar Villabito ang kanyang mga natutulog na kasamahan sa Service Support Batallion compound noong madaling araw ng Pebrero 11.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni 4th ID spokesperson Army Maj. Francisco Garello Jr na patuloy pa na inaalam ng BOI kung ano ang pinag-uugatan ng umano’y ‘unstable state of mind’ ng suspek para gawin ang kremin.

Sinabi ni Garello na hindi lumalayo na maaring dala-dala ng suspek ang personal o kaya’y problema tungkol sa pamilya.

Hindi kasi napatunayan ng imbestigasyon na mayroong alitan ang suspek at ang kanyang mga kasamahan sa trabaho o superior nito sa batallion.

Magugunitang patay gamit ang assault rifle ang mga biktima na sina Army Sgt. Rogelio Rojo Jr;Cpl Bernard Rodrigo;PFC Prince Kevin Balaba at Pvt Joseph Tamayo habang nasawi rin ang suspek nang samaklolo na ang ibang mga sundalo sa loob ng kampo.