-- Advertisements --

Magiging standard facility na sa lahat ng military camps, detachments at mga patrol bases sa Western Mindanao ang mga ilalagay na CCTV (closed circuit television) cameras.

Ito’y kasunod ng dalawang insidente kung saan tinangkang pasukin ng suicide bombers ang kampo ng militar sa Sulu nitong weekend.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Western Mindanao Command (WeMinCom) commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana, isa talaga sa mga target niya ay magkaroon ng CCTV ang lahat ng military facilities lalo’t nag-iba na rin ang taktika ng mga teroristang grupo.

Mahalaga aniya na i-level up din ng militar ang kanilang tactics, techniques and procedures, para maiwasan na makapag-inflict ng casualties sa mga sundalo at sibilyan ang mga ganitong klase na pag-atake.

Ayon pa sa heneral, ang ipinakitang kahandaan ng mga sundalo mula sa 35th Infantry Battalion sa pagtugon nang tangkaing pasukin ng babaeng Caucasian-looking na suicide bomber ang kanilang detachment nitong Linggo ay patunay na sapat na ang kaalaman ng nila sa mga biglaang senaryo.

Sa nangyaring pagsabog, tanging ang dayuhang suicide bomber ang patay.

Sa ngayon, isinailalim na ng Philippine National Police sa DNA test ang mga narekober na pira-pirasong parte ng katawan ng bomber para matukoy ang identity at maging ang nationality nito.

Sa kabilang dako, mahigpit na mino-monitor ng militar ang dalawa pang suicide bombers na inatasan ng teroristang grupo para maghasik ng suicide bombing attacks.

Ayon kay Sobejana, may mga hakbang na silang ginagawa para ma-locate at ma-neutralize ang dalawang suicide bombers bago pa man sila makapaglunsad ng suicide bombing attacks.