Suportado ng Sugar Council ang plano ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na imbestigasyon sa umano’y mababang farmgate price ng asukal.
Sa inilabas na statement ng Sugar Council, nakasaad dito ang pagsuporta nito na tukuyin ang rason sa likod ng mas mababa pa sa P3,000 kada 50-kilo bag ng asukal.
Ang P3,000 na presyuhan sa kada 50-kilos ng asukal ang siyang forecast ng SRA bago pa man nagsimula ang milling season ngayong taon.
Malalang una nang sinabi ni SRA Administrator Pablo Azcuna na ‘abnormal’ ang paggalaw ng presyuhan sa raw sugar ngayong season na naglalaro mula P2,550 hanggang P3,000 at patuloy na bumababa sa loob lamang ng ilang linggo.
Ayon kay Azcuna, bagaman mababa ang farmgate ng asukal, nananatili pa ring mataas ang presyo nito sa mga merkado ng bansa.
Inihalimbawa nito ang P2,760 na presyo ng kada-50 kilo ng asukal. Sa ilalim ng naturang presyuhan, dapat sana aniyang hanggang P55.20 ang kada kilong presyo sa mga pamilihan.
Pero sa halip aniya, umaabot pa rin sa P80 hanggang P100 ang kada kilo sa retail.
Ayon kay Azcuna, hindi kagagawan ng mga magsasaka ang mataas na presyo ng asukal sa merkado, kayat kailangan nang matukoy ang dahilan sa likod nito, bagay na sinusuportahan ng Sugar Council.
Maalalang una na ring ipinag-utos ng SRA ang pansamantalang pagpapaliban sa paglalabas ng mga inangkat na asukal sa hangaring mapataas ang farmgate price ng asukal.
Ito ay epektibo sa 150,000 metriko tonelada na una nang inangkat mula sa ibang bansa.
Samantala, ang Sugar Council ay binubuo ng ibat ibang mga grupo na kinabibilangan ng Confederation of Sugar Producers’ Associations Inc., the National Federation of Sugarcane Planters at Panay Federation of Sugarcane Farmers.