-- Advertisements --

Iminungkahi ng isang kongresista na huwag damihan ang mga asignatura ng mga nasa kindergarten hanggang Grade 3 upang sa gayon ay makapag-focus ang mga ito sa pagbabasa, mathematics at good manners and right conduct (GMRC).

Ginawa ni House Committee on Basic Education and Culture chair Roman Romulo ang naturang pahayag matapos na matukoy sa 2018 Program for International Student Assessment na pinakamababa ang Pilipinas sa 79 na bansa pagdating sa reading comprehension ng mga mag-aaral.

Ayon kay Romulo, magmula noong Agosto ng taong kasalukuyan ay iminumungkahi na sa Department of Education na bawasan ang bilang ng mga asignatura ng mga mag-aaral sa kindergarten hanggang Grade 3 upang sa gayon ay makapag-focus ang mga ito sa pinaka-basic.

Sinabi ni Romulo na ang scores na nakuha ng Pilipinas sa naturang global survey ay hindi malayo sa resulta naman ng National Achievement Test (NAT).

Nauna na aniyang natukoy sa NAT na hirap din ang mga Grade 6 at Grade 10 pagdating sa reading comprehension.