Tinatayang aabot ng 300 test kada araw ang kayang gawin ng limang subnational laboratories na pinili ng Department of Health (DOH) na maging katuwang sa COVID-19 testing.
Kaya asahan daw na wala ng magiging aberya sa paghihintay ng resulta ng mga nagpasailalim sa test mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Una ng umarangkad ang Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa na ilang linggo nang humahawak ng test.
Magsisimula na rin daw sa paghandle ng testing ang San Lazaro Hospital sa Maynila; Baguio General Hospital para sa Northern Luzon; Vicente Sotto Memorial Medical Center para sa Visayas; at Southern Philippines Medical Center sa Mindanao.
“Maliban doon sa lima, nagse-set up na rin (ang DOH) ng dalawa pang subnational laboratory. ‘Yan ay sa Western Visayas Medical Center at sa Bicol Public Health Laboratory.”
“Ang UP National Institute for Health ay na-mobilize na para tumulong sa atin sa laboratory capacity. Nagsasagawa rin ng assessment ang DOH, kasama ang World Health Organization para sa additional extension laboratories sa Maynila, at sa Visayas as Mindanao.”
Nitong Martes nang ilabas ng FDA ang listahan ng mga aprubadong COVID-19 test kits na maaari ng gamitin commercially.
Pero nilinaw ni Usec. Vergeire na hindi lahat ng ospital at laboratory facility ay maaaring magsagawa ng test.
“Ang pagsasagawa ng test na ‘to for COVID-19, is a complicated process. Its highly technical, its highly scientific.”
“Ang unang-unang pa lang na proseso kapag ginagawa itong test ay ina-activate yung virus. Ibig sabihin parang pinapatay yung virus para matanggal sa kanyang core at magawa ang testing.”
“Doon pa lang sa proseso na yon, napaka-laki na ng risk ng ating health workers para mahawa sa sakit na ‘to. At hindi lang health workers, dahil pag hindi napagingatan ang pag-inactivate ng virus na ito, maaari nating ikalat ang sakit sa buong komunidad.”
“Kaya ang pagpo-proseso natin ng tests na to ay ginagawa natin sa highly technical o high level laboratories.”