Simula hating gabi ng Agosto 1 ay magpapatupad ng striktong border control measures ang Philippine National Police (PNP) sa mga boundaries ng National Capital Region (NCR) Plus areas upang maiwasan ang pagkalat ang Delta coronavirus variant.
Kahit sa Agosto 6 pa magsisimula ang implementasyon ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na inatasan na niya ang PNP na simulan na ng maaga ang striktong pagpapatupad ng travel restrictions.
Iginiit ni Año na ang critical sa pagpigil sa pagkalat ng Delta coronavirus variant ang implementasyon ng striktong border controls sa NCR Plus areas.
Ang Joint Task Forcde COVID Shield ang inatasan ng DILG ngayong Sabado, Hulyo 31, na mag-activate sa Quarantine Control Points (QCPs) sa mga boundaries ng NCR Plus para matiyak na tanging mga Authorized Persons Outside of Residence (APOR) lang ang papayagan na makalabas at pasok sa lugar.
Pupuwesto ang QCPs sa borders ng NCR plus sa Cavite, Bulacan, Laguna at Rizal.
Sinabi ng kalihim na ang papayagan lamang ng PNP na makalusot sa borders ay ang mga APOR at iyong mayroong IATF IDs.










