-- Advertisements --

Ipinaala ng isang eksperto ang kahalagahan ng pagkilala at pagtanggap sa ilang hamon na posibleng magdulot ng “anxiety” o labis na pag-iisip sa gitna ng pandemic na COVID-19.

Ayon kay Dr. Nina Castillo-Carandang, malaking bagay ang kaalaman ng isang tao sa sitwasyon at kondisyon ng kanyang mental health para manatiling malusog at mabuti ang lagay.

“Kailangan tanggapin natin na posibleng mayroon tayong pinagdadaanan sa buhay natin ngayon,” ani Castillo-Carandang.

“Mayroon tayong mga problema tulad ng pagkabalisa at pakiramdam nawalang kasiguruhan sa mga bagay-bagay at sa buhay. Pero tandaan po natin, it’s okay not to be okay.”

Dagdag pa ng eskperto, ang isang tao na may pinagdadaanan ay maaaring magbahagi ng kanyang mga iniisip o nararamdaman sa mga piling pinagkakatiwalaang kapamilya o kaibigan.

“Maaari tayong magulat na hindi pala tayo nag-iisa sa ating mga pinagdadaanan ngayon. Kung kinakailangan meron pong mga available na mga libreng serbisyong pang-telekonsulta para sa ating kalusugang emotional, at mental, at pati narin sa ating physical na kalusugan.”

Payo ni Dr. Carandang, maaari pa rin namang maging konektado ang bawat isa kahit magkaka-distansya. Ito ay sa pamamagitan ng pagte-text, social media; pati na ang telebisyon, radyo at iba pang serbisyo.

“Malayo man, malapit rin. Konektado at nakikipag-ugnayan pa rin tayo sa isa’t isa ngunit may pisikal na distansya sa pagitan ng bawat isa.”

Ipinaalala naman ni Department of Health (DOH) Usec. Maria Rosario Vergeire, na kaakibat ng mga pagbabagong dulot ng pandemya ang pagsisiguro rin na nasusunod ang mga hakbang para maiwasan ang pagkalat ng sakit.

“Bagaman mayroon tayong iba’t-ibang pinagmumulan, lahat tayo ay kumakaharap sa iisang pandemya. Wala nang mas naaayong pang panahon kundi ngayon upang magkaisa at magkaroon ng malalim na pagkakaunawaan at malasakit sa isa’t-isa habang patuloy nating nilalabanan ang COVID-19,” ani Vergeire.

Nauna nang naglunsad ang DOH ng mental health hotline para sa mga mangangailangan ng assistance habang nasa gitna ng community quarantine ang karamihan ng mga lugar sa bansa.

*National Center for Mental Health (NCMH) Crisis Hotline: ​0917-899-USAP (8727) ​or ​(02) 7-989-USAP.

*UP Diliman’s Psychosocial Services: at​fb.com/UPDPsycServ​or at 0916 757 3157​.