KORONADAL CITY – Tuluyang isinailalim sa state of calamity ang Barangay San Isidro sa lungsod ng Koronadal bunsod ng mga pagbaha na nanalasa kamakailan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Brgy. San Isidro kapitan Lloyd Gabutin, ito ang napagkasundoan ng mga miyembro ng kanilang konseho dahil sa malawakang pinsala ng pagbaha na nagresulta sa pagkasira ng mga pananim, pag-anod ng mga ari-arian ng mga residente at paglikas ng mga ito sa kanilang mga bahay.
Ayon kay kapitan Gabutin, maaari nang gamitin ng barangay ang bahagi ng kanilang calamity fund upang tulungan ang mga apektadong residente.
Sa ngayon ay nasa 15 pamilya ay nananatili sa evacuation centers matapos inanod ng tubig-baha ang kanilang mga bahay, habang ang 160 na pamilya ay pansamantalang nananatili o nakikitira sa kanilang mga kaanak.
Patuloy ang pagtukoy ng barangay officials sa halaga ng pinsala dulot ng kalamidad at clearing operations upang manumbalik na sa normal ang pamumuhay ng mga residente.