-- Advertisements --
proclamation calamity

Pinalawig na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang state of calamity sa buong Pilipinas sa gitna pa rin ng COVID- 19 pandemic sa bansa.

Batay sa Proclamation No. 1021 na ibinaba ng Palasyo nitong Biyernes ng hapon, nakasaad na tatagal ang deklarasyon sa loob ng isang taon o hanggang ika-12 ng Setyembre, 2021, maliban na lamang kung i-lift o alisin ito ng mas maaga.

Nakasaad sa proklamasyon na inaatasan ang lahat ng government agencies at local government units (LGUs) sa bansa na magbigay ng full assistance at makipagtulungan sa isa’t-isa at i-mobilize ang mga kinakailangang resources para sa angkop at mabilis na disaster response aid o measure para matuldukan ang banta ng COVID-19 sa bansa.

Inaatasan din ang mga law enforcement agencies sa tulong ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na gawin ang mga necessary measures para mapanatili ang peace and order sa mga apektadong lugar ng COVID-19.

Sa ilalim ng state of calamity mabibigyan ng mas mabilis at mas malawak na access ang pamahalaan sa kinakailangan nitong pondo para tugunan ang virus.

Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang proklamasyon nitong ika-16 ngayong buwan.