Positibo ang Sugar Regulatory Administration na maaabot ang hanggang 1.84 million metriko tonelada ng asukal sa kabuuan ng 2023-2024 cropping season.
Ang naturang projection ay base sa pre-milling estimate ng ng naturang ahensiya.
Ayon kay SRA Administrator Pablo Azcuna, ang nasabing volume ay mas mataas ng 2.7% kumpara sa 1.79 million metriko tonelada na naani sa kabuuan ng 2022-2023 season.
Kung magiging asukal ang 2.75 na pagtaas sa projected production ay maaring aabot ng hanggang 50,000 metriko tonelada.
Gayonpaman, nilinaw naman ng SRA Chief na inisyal pa lamang ang inaasahang mataas na produksyon dahil ibinase nila ito sa lumawak na taniman ng mga tubo sa ibat ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Azcuna, maaari pang magbago ang naturang projection dahil sa epekto ng ibat ibang mga salik, katulad ng paglakas ng El Nino, at kung may mga karagdagan pang kalamidad na makakaapekto sa mga kasalukuyang nakatanim na mga tubo.
Maalalang una nang sinabi ng SRA na sa ngayon ay hindi pa nila nakikita ang pangangailangang umangkat ng asukal mula sa ibang bansa dahil sa sapat na supply dito sa bansa.