Pinahiya ng San Antonio Spurs ang Minnesota Timberwolves sa sarili nitong homecourt, 115 – 108.
Ibinulsa ng Spurs ang Game 3 at hinawakan ang bentaheng 2-1 sa nagpapatuloy na Western Conference Semifinals.
Isang double-double ang ipinamalas ni Spurs center Victor Wembanyama sa kaniyang 39 points at 15 rebounds, kasama ang limang blocks at isang steal.
Sa 18 shots na pinakawalan ni Wemby, 13 dito ang kaniyang naipasok, kasama ang tatlong 3-pointers. Naipasok din niya ang sampu sa 12 pinakawalang free throws.
Binitbit ng San Antonio bigman ang kaniyang koponan sa kabila ng mahinang performance ng kaniyang mga kapwa Spurs player tulad ng shooter na si Stephon Castle na nalimitahan lamang sa tatlong pumasok na field goals mula sa 11 kaniyang pinakawalan.
Bagaman nakabalik na sa starting lineup si Timberwolves guard Anthony Edward, hindi pa rin ito naging sapat para manalo ang Minnesota, lalo at napanatili ng San Antonio ang 46% shooting.
Nagawa pa ng Minnesota na hawakan ang lead sa ilang pagkakataon sa kasagsagan ng laro ngunit kinulang pa rin ito sa clutch time.
Nasayang ang 32 points ni Anthony Edwards, kasama ang 14 rebounds at anim na assists.
Hindi rin nakaporma ang forward na si Juluis Randle matapos malimitahan sa 3-of-12 sa kaniyang shooting.
Mananatili sa Minnesota ang Game 4 sa pagitan ng dalawang western team.
















