-- Advertisements --

Mababalewala ang layunin ng proposed 2023 national budget para sa susunod na taon para sa economic recovery kung madedelay lang ang pag-release ng pondo ng ilang ahensiya ng gobyerno.

Ayon kay House Deputy Speaker Ralph Recto, sa ilalim ng 2023 national budget, dapat maitama ang “spending delays” at mga kontrobersiya sa procurement.

Binanggit ni Recto ang report ng COA sa mga kuwestiyunableng procurement at malalaking unobligated amounts ng ilang ahensiya ng gobyerno.

Bukod pa dito ang aniyang tinatawag na “parking” sa PS-DBM at PITC o Philippine International Trading Corporation kung saan nakatengga ang pondo ng ilang government agencies.

Paliwanag ni Recto, kahit agad na mapagtibay ng Kongreso ang pambansang budget, balewala ito kung hindi gagastusin ang pondo ng ilang govenment agencies para sa mga kaukulang programa ng pamahalaan para sa susunod na taon.

Dagdag pa ng mambabatas na hindi na dapat maulit pa ang budget utilization rate nuong nakaraang taon kung saan nasa P784.98 billion ang nananatiling undisbursed sa katapusan ng taon at nasa P88.8 billion naman ang unreleased appropriations.