Sinimulan na ng Department of Science and Technology (DOST) ang delivery ng specimen collection booths na magbibigay ng proteksyon sa mga medical frontliners na nagsasagawa ng COVID-19 testing.
Ayon kay Science Sec. Fortunato Dela Peña, nakapagpadala na ang kanilang ahensya ng 53 unit ng naturang booth sa National Capital Region, Ilocos at Cagayan region.
Ang delivery naman sa ibang lugar ay kasalukuyan pa raw pino-proseso.
Batay daw sa request ng Department of Health, 132 unit ang target i-deploy ng kagawaran sa mga ospital.
Ang 38 ay para sa mga level 2 at 3 hospitals, habang ang 94 ay para sa iba’t-ibang rehiyon.
Naglalaman daw ng plywood na pader, clear waterproof acrylic na bintana, aircondition, roof-mounted ventilation at slanted specimen table ang isang booth.
“Meron din po siyang isang feature, ito po ay ‘yung pagkakaroon ng positive pressure that has to be maintained inside the booth nang sa ganon po ay ma-prevent ang entry ng outside contamination inside the booth. Meron siyang compression sensor na ginagamit,” ani Sec. Dela Peña.
Libre daw na magagamit ang disenyo ng booth na gawa ng Futuristic Aviation and Maritime Enterprise, pero kailangan lang siguruin na mahigpit na masusunod ang kaukulang health standard.