Para kay House Committee on Ways and Means chairman at Albay Rep. Joey Salceda dapat bigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng special power ang Kongreso para magpatupad ng paghihigpit sa pag-aangkat ng bigas sa bansa.
Ito’y kasunod ng mga apela kaugnay ng ipinasang Rice Tariffication Law.
Inirekomenda ni Salceda na bigyan ng kapangyarihan ang lehislatura bilang “last resort” dahil sa mga ulat na bumaba ang farmgate price ng palay mula P17.78 hanggang P7-kada kilo sa ilang parte ng Luzon.
Sa ilalim ng aide-memiore na pinadala ng kongresista kina House Speaker Alan Peter Cayetano, Majority Leader Martin Romualdez at Duterte, sinabi nito na dapat bigyan ng cash transfers ang mga itinuturing na “marginal small-lot farmers.”
Habang concessional loans naman sa mga magsasaka na may mahigit 5-ektaryang lupain.
Ayon kay Salceda maaaring gamitin ang Republic Act 8800 o Safeguards Law para magpataw ng 30-percent hanggang 80-percent tariff sa mga imported rice na lagpas sa Minimum Access Volume (MAV) na 350,000-metric tons.