-- Advertisements --
OWWA

Binuksan na ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang Special Financial Assistance Program nito para sa mga Pinoy workers sa Israel na nawalan ng hanapbuhay dahil sa epekto ng nagpapatuloy na kaguluhan.

Ayon sa OWWA, kabilang sa mga maaaring makinabang dito ay ang mga overseas Filipinos na narescue mula sa mga binombang lugar, nawalan ng trabaho, o nagtatrabaho sa mga kritikal na distrito sa Israel, na nais nang umalis.

Batay sa inilabas na abiso ng OWWA, kinakailangan lamang ng mga OFW na mag-email sa pamamagitan ng israel@owwa.gov.ph at ilakip ang kanilang mga personal na pagkakakilanlan katulad ng kumpletong pangalan, pangalan at address ng trabaho, kalagayan sa panahon ng kaguluhan, kasalukuyang lokasyon, at contact details.

Kailangan ding ihanda ng mga OFW ang napirmahang Request for Assistance Form, OWWA membership fee, at valid na passport.

Lahat ng request na matatanggap ng OWWA ay isasailalim din sa assesment kung kwalipikado ba itong makakatanggap ng tulong.

Samantala, lahat ng mga OFWs na nakatira sa mga critical area na una nang tinukoy ng Israel ay maaaring makinabang sa naturang programa.