PAGSISIMULA NG KAMPANYA PARA SA SPECIAL ELECTION SA NEGROS ORIENTAL, TULOY PA RIN BUKAS SA KABILA NG PAGPAPALAWIG NG FILING NG COC – COMELEC – 7
Inanunsyo ngayon ng Commission on Election sa Central Visayas na tuloy ang pagsisimula ng pangangampanya bukas, Nobyembre 9, para sa special election sa ikatlong distrito ng Negros Oriental para sa nabakanteng pwesto ng pinatalsik na kongresistang si Arnolfo “Arnie” Teves, Jr.
Ayon kay Commission on Election-7 Regional Director Atty. Lionel Marco Castillano, ito’y sa kabila ng pagpapalawig ng filing ng certificate of candidacy hanggang sa Sabado, Nobyembre 11.
Paliwanag pa ni Castillano na ang nangyari umano ay Biyernes pa lamang, nakapagbigay na sila ng mga lumang forms at noong Sabado lang umano naglabas ang Central office ng resolusyon sa guidelines ng filing.
Alam pa, aniya, ng Commission on Election en banc ang nangyari kaya pinalawig ang filing para bigyang-daan ang mga kandidatong maghain ng kanilang kandidatura.
Dagdag pa nito na patuloy pa ring umiiral ang pagsasailalim ng lalawigan sa Commission on election control hanggang sa Nobyembre 29 at dependi na umano sa en banc kung ipatutupad ito sa ikatlong distrito matapos ang araw na iyon.
Buo naman umano ang kanyang tiwala at kumpiyansa sa kapulisan at sandatahang lakas na gumawa ng tamang rekomendasyon sa sitwasyon ng seguridad sa nabanggit na distrito.
Samantala, sa ikalawang araw ng filing ng COC, tatlo na ang nakapaghain ng kanilang kandidatura na kinabibilangan nina retired navy Col. Rey Lopez, incumbent Bacong Mayor Lenin Alviola at dating Gov. Pryde Henry Teves.