-- Advertisements --

Nakasalalay na sa mga kamay ng Commission on Elections (Comelec) ang pagdedesisyon sa petsa ng special election day sa Shanghai, China.

Ito ay dahil pa rin sa kasalukuyang ipinapatupad na mga lockdown doon sa harap ng mataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19.

Ayon kay DFA Overseas Voting Secretariat, Director Zoilo Velasco, marami pa kasing kinakailangan isaalang-alang ang komisyon bago ipatupad ang special election sa nasabing bansa.

Kabilang na rito ang pagsusuri kung makaaapekto ba sa magiging resulta ng ng national at local elections ang bilang ng mga botong makukuha mula sa mga botante doon.

Samantala, bagama’t nakaranas ng kaunting problema sa mga vote counting machines (VCMs) ay ipinahayag naman ni Velasco na sa kabuuan ay naging matagumpay naman ang isinagawang overseas absentee voting (oav) sa iba’t-ibang bansa kung saan ay nakapagtala ang kagawaran ng hanggang 550,000 na bilang ng overseas voter’s turnout, mas mas mataas kumpara sa naitala noong taong 2016.

Ngunit nilinaw niya na hindi pa ito pinal dahil kasalukuyan pa ring nagpapatuloy ang kanilang canvassing ukol dito na inaasahan namang matatapos sa linggong ito.

Magugunita minsan nang nakaranas ng pagdududa mula sa taumbayan ang ginanap na overseas absentee voting (OAV) matapos na kumalat sa buong social media na may mga pre-shaded ballots daw at mga balotang walang pangalan ng kanilang kandidato ang naipamahagi sa ilang mga botante na agad namang nabigyang linaw at nasolusyonan ng mga kinauukulan.

Sa ngayon ay mananatili pa ring suspendido ang botohan sa ilang mga bansa nasa gitna ngayon ng kaguluhan tulad ng mga bansang Iraq, Afghanistan, at iba pa dahil sa sitwasyong panseguridad doon.