Mas maraming mga Pilipino ang makakabangon sa epekto ng COVID-1 pandemic sa oras na maluwagan pa lalo ang restrictions sa National Capital Region, ayon kay Speaker Lord Allan Velasco.
Kaya naman suportado ni Velasco ang mga mungkahi na lalo pang buksan ang NCR lalo pa ngayong nakakaranas na ang rehiyon ng “steady decline” sa naitatalang mga bagong kaso ng COVID-19.
Bukod dito, 80 percent na rin kasi aniya ng mga residente ng NCR ang fully vaccinated na kontra COVID-19, habang 96 percent naman ang naturukan ng first dose.
Kapag muling masindihan ang ekonomiya ng bansa sa lalong madaling panahon, sinabi ni Velasco na mas marami ring mga negosyo ang makakapagbukas ulit, na magreresulta naman sa unti-unting pagbangon ng ekonomiya ng bansa
Mahalaga aniya ito lalo pa ngayong papalapit na ang Pasko.
Sa kasalukuyan, nasa ilalim ng Alert Level 3 ang Metro Manila, kung saan pinapayagan ang mga establisiyemento na tumanggap ng customers para sa kanilang indoor services sa 30 percent na venue capacity para sa mga fully vaccinated, at 50 percent naman sa outdoor services.