Pinakokonsidera ni Speaker Lord Allan Velasco sa national government ang pagbigay ng mas mawalak na papel sa private sector pagdating sa inoculation drive kontra COVID-19.
Ngayong mayroon nang sapat na supply ng COVID-19 vaccines sa buong mundo, panahon na aniya na payagan ng pamahalaan ang private sector na makipag-deal ng direkta sa mga manufacturers para mas matiyak ang pagkakaroon ng sustainable at dependable supply ng mga bakuna.
Sa pamamagitan nang pagbibigay ng awtoridad sa private sector na direktang makabili ng COVID-19 vaccines ay maluluwagan naman ang pressure sa government resources lalo pa at napakaraming hamon sa logistics ang kaakibat ng vaccine procurement at administration.
Bukod dito, mas matututukan din ng pamahalaan ang mga hakbang na makakatulong sa post-pandemic economic recovery ng bansa.
Nakikita rin niya na kapag bibigyan ng mas malaking papel ang private sector ay mas matitiyak din ang rapid at efficient rollout ng mga available na bakuna.
Samantala, nanawagan din siya sa Department of Health at National Task Force Against COVID-19 na isapubliko ang mga findings sa kung gaano nga ba tumatagal lang ang immunity na ibinibigay sa ngayon ng mga bakuna.