-- Advertisements --

Nagpahayag ng suporta si House Speaker Martin Romualdez sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na magdeklara na ang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr ng state of calamity.

Ito ay dahil na rin sa matinding pinsala na dulot ng Severe Tropical Storm Paeng.

Sa isang statement, sinabi ni Romualdez na naglunsad na ang House of Representatives ng relief drive at operation para tulungan ang national government na makakuha ng kinakailangang resources sa mga apektadong komunidad.

“Reports reaching my office indicate that almost all regions in the country were affected by the onslaught of STS Paeng, which destroyed bridges, roads and key infrastructure and wrought havoc to life and property,” ani Romuladez.

Samantala, sa situational report ng NDRRMC, nasa 48 na katao na ang namatay dahil sa pananalasa ng bagyo habang milyong katao na ang apektado.

Pumalo na rin sa P54,965,924 ang halaga ng pinsala sa agrikultura sa Western Visayas at Soccsksargen.

Napinsala din ang nasa 714 na kabahayan sa iba’t ibang rehiyon.

Kung maalala, kahapon ay nag-preside pa si Pangulong Marcos sa full council meeting ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) para pag-usapan ang pagtugon sa kalamidad at ang isasagawang relief operations sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Paeng.

Sa naturang meeting, inirekomenda ni NDRRMC Executive Director at Office of Civil Defense Administrator Raymundo Ferrer sa pangulo na magdeklara na ng national state of calamity sa loob ng isang taon o hindi naman kaya ay mas maaga itong tapusin dahil sa mga kalamidad ng tumama sa bansa.

Magiging daan daw ang state of calamity para makapagbigay ng karagdagang pondo ang gobyerno para sa disaster relief at magpatupad ng price freeze sa mga basic commodities.

Pero tugon naman ni Pangulong Marcos na hihintayin at pag-aaralan nito ang resolusyon.