Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa panibagong tagumpay nito sa pagsusulong ng karapatan ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Ang tinutukoy ni Speaker Romualdez ay ang naging pagsuporta ni Czech Republic President Petr Pavel sa posisyon ng Pilipinas na dapat kilalanin ang rules-based order sa WPS at tiyakin ang pagpapatuloy ng malayang paglalayag sa lugar.
Si Marcos at Pavel ay nagkaroon ng bilateral meeting kung saan natalakay din ang pagpapalakas ng kooperasyon ng Pilipinas at Czech Republic sa iba’t ibang larangan gaya ng defense at cybersecurity, gayundin ang paglikha at paggamit ng modernong teknolohiya.
Si Speaker Romualdez ay kasama sa opisyal na delegasyon ng Pangulo sa apat na araw na pagbisita nito sa Czech Republic.
Matapos ang bilateral meeting, humarap ang dalawang lider sa isang joint press conference kung saan sinabi ni Pavel ang kanyang pagsuporta sa Pilipinas sa isyu ng agawan ng teritoryo sa WPS.
Pinuri rin ni Speaker Romualdez si Pangulong Marcos sa pagsusulong nito na mapaganda ang relasyon ng dalawang bansa.
Sinabi ni Pangulong Marcos na matagal ng katuwang ng Pilipinas ang Czech Republic sa pagpapalakas at modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay Speaker Romualdez maaaring makatulong ang mga kompanya sa Czech Republic sa implementasyon ng Re-horizon 3 phase ng Revised Armed Forces of the Philippines Modernization Program (RAFPMP) na nakasentro sa pagpapalakas ng archipelagic defense capability ng AFP.
Binigyan-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na mapalakas ang cyber security ng Pilipinas at makakatulong umano dito ng Czech Republic.
Makakatuwang din umano ng Pilipinas ang Czech Republic sa pagpapa-unlad at paggamit ng modernong teknolohiya sa larangan ng defense, telecommunications, at innovation.