-- Advertisements --

Naisakatuparan na ng Kamara de Representantes ang mandato nito sa ilalim ng Konstitusyon nang ihain ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte at nasa Senado na ngayon ang bola, ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Nauna nang sinabi ni Speaker Romualdez na kumilos ang Kamara alinsunod sa konstitusyonal nitong tungkulin bilang prosecutorial body, at handang iharap ang kaso kapag nag-convene na ang Senate impeachment court.

Kinilala rin ni Speaker Romualdez na may sariling legislative agenda ang Senado, kabilang ang pagsasaalang-alang sa mga prayoridad na panukala na itinakda sa ilalim ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Nang tanungin tungkol sa posibleng mga kaganapan sa mga darating na linggo, sinabi ni Speaker Romualdez na masyado pang maaga upang magbigay ng haka-haka ngunit umaasa siya sa isang positibo at makabuluhang resulta.

Pormal na ipinasa ng Kamara de Representantes sa Senado ang Articles of Impeachment noong Pebrero 5 matapos makita ng 215 kongresista ang ebidensya laban kay VP Duterte na tumanggi na ipaliwanag kung papaano ginastos ang kanyang confidential funds.