-- Advertisements --

Hinikayat ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang lahat ng establisyemento na sumunod sa batas kaugnay ng pagbibigay ng diskwento at iba pang benepisyo sa milyun-milyong senior citizens, persons with disability (PWDs) at solo o single parents.

Ginawa ni Speaker Romualdez ang apela kasabay ng kanyang pagkilala sa isang kilalang coffee shop sa pagbibigay nito ng 40 porsyentong diskwento sa mga senior citizen, PWD, medal of valor awardees at iba pang benepisyaryo.

Ibinigay ng Starbucks ang diskwento noong Miyerkoles, mas mataas ito kumpara sa 20 porsyentong nakasaad sa batas.

Pinuri rin ng lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro ng isang Korporasyon sa pagsuporta nito sa pagbibigay ng 20% diskwento sa mga senior citizen at PWD sa pagbabayad ng toll fee sa mga pinatatakbo nitong expressway at skyway.

Hinimok naman ni Speaker Romualdez ang mga tollway operator at sangay ng ahensya ng gobyerno na agad ilabas ang detalye ng pagbibigay ng diskwento.

Matatandaan na nagpaskil ng poster ang Starbucks kung saan lilimitahan na lamang sa isang food item at isang drink ang diskwento na ibinigay sa mga seniors at PWD.

Dahil sa mga reklamong natanggap ni Speaker Romualdez inatasan nito ang mga komite ng Kamara na magsagawa ang imbestigasyon kaugnay ng implementasyon ng mga batas na nagbibigay ng diskwento at iba pang prebilihiyo sa mga seniors at PWDs.

Sa pagdinig na pinamunuan ni Albay Rep. Joey Salceda, sinabi ng Starbucks na hindi na nito itinuloy ang limitasyon sa bibigyan ng discount.

Sinabi naman ni Salceda na mahigit 100 kompanya ang natukoy na lumalabag sa batas na nagbibigay ng diskuwento na kinabibilangan ng mga mall, supermarket, airline, bakeshop, hotel, drugstore, at food at transportation service providers.

Nagbabala si Speaker Romualdez na gagamitin ng Kamara ang oversight function nito upang sila ay mapasunod, at makasuhan at maparusahan kung kinakailangan.