-- Advertisements --

Binati ni House Speaker Martin Romualdez si Pangulong Ferdinand Marcos Jr matapos makakuha ng $1.53 billion US Dollars o P86 billion na halaga ng investments mula sa sidelines ng ASEAN-Australia Special Summit na ginanap sa Melbourne.

Ayon kay Romualdez, nasa 12 business deals ang nalagdaan na at layong magpapaangat sa kumpiyansa sa ekonomiya at magpapaigting sa economic cooperation sa pagitan ng mga bansa.

Tiyak aniya na lilikha ng maraming trabaho at kabuhayan para sa mamamayan ang iuuwing investments ng pangulo.

Tiwala rin si Romualdez na mabubuksan ng ASEAN-Australia-New Zealand Free Trade Agreement ang panibagong oportunidad para sa mga Pilipinong negosyante na nasa micro, small and medium enterprises.

Sa ginanap na Leader’s Plenary Session sa summit ay inanunsyo ni Pangulong Marcos na nilagdaan ng bansa ang second protocol sa AANZFTA.

Umaasa ito na tutugon ang kasunduan sa nagbabagong multidimensional challenges sa larangan ng pagnenegosyo at tutulong sa region-to-region efforts upang palakasin ang katatagan ng supply chain, expansion ng trade and investment, inclusivity at sustainable development.