-- Advertisements --

Nagpaabot ng pakikiramay si Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa mga nasawi sa pagbaha sa South Korea.

Ipinarating ni Speaker Romualdez ang pakikiramay at pakikisimpatya nito kay South Korean Ambassador Lee Sang-hwa na nag-courtesy call sa kanya sa Manila Golf Club sa Makati City kahapon.

Sinabi ni Speaker Romualdez ang South Korea ay isa sa mga unang bansa na nagpadala ng tulong sa Pilipinas matapos manalasa ang super typhoon Yolanda na tumama sa Leyte at mga karatig lugar at nagresulta sa pagkamatay ng libu-libong tao.

Ayon kay Speaker, bagamat magkaiba umano ang South Korea at Pilipinas sa maraming bagay, nagkakapareho umano ang dalawang bansa pagdating sa nararanasang epekto ng climate change.

Ayon sa House leader, kung mayroon umanong mga lumikas na South Koreans dahil sa pagbaha, mayroon namang mga Pilipino na inilikas dahil sa pag-aalburuto ng bulkang Mayon.

Sa kabilang dako, nagpasalamat naman si Ambassador Lee sa pakikiramay at pakikiisa ni Speaker Romualdez sa South Korea.

Nauna ng nagpahayag ng pakikiramay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa South Korea.

Batay sa ulat nasa 40 na ang nasawi, 34 ang nasugatan at mahigit 10,000 ang inilikas kaugnay ng pagbaha mula noong July 9,2023.