-- Advertisements --

Binatikos ni House Speaker Alan Peter Cayetano si Vice President Leni Robredo sa aniya’y “very unfair” na assessment nito sa kampanya ng Duterte administration kontra iligal na droga.

Sa ambush interview kay Cayetano, sinabi nito na hindi totoo ang naging konklusyon ni Robredo na bigo ang drug war sa layunin nito.

Hindi naman kasi aniya inihambing ng Bise Presidente ang datos sa bilang ng mga naaresto ng dahil sa iligal na droga sa ilalim ng Duterte administration at sa mga nakalipas na administrasyon.

“So, kung sasabihin niya, palpak ang drug war, ano tawag mo dun sa dating administrasyon? Ultra-palpak o kapalpak-palpakan?” patutsada ni Cayetano.

Ikinainis pa ni Cayetano ang aniya’y “paulit-ulit” na kritisimo ni Robredo sa Duterte administration na wala naman aniyang pinanghahawakan na accurate data sa illegal drugs.

Sa katunayan aniya kahit ang ibang bansa ay wala nga rin eksaktong datos sa bilang ng kanilang mga drug users kaya gumagamit lamang ng sariling tantya.

Pero kung totoong hangad lamang ni Robredo na makatulong sa pagresolba sa problema sa iligal na droga, sinabi ni Cayetano na bukas ang Kamara na padaluhin ito sa pagdinig sa upang mapag-usapan ang tunay na sitwasyon sa kampanya kontra iligal na droga kasma ang PNP, PDEA at maging ang ICAD.