-- Advertisements --

Umapela si Albay Rep. Edcel Lagman kay Speaker Alan Peter Cayetano na huwag lagdaan ang enrolled bill ng proposed Anti-Terrorism Act of 2020.

Nagpadala na aniya siya ng liham kay Speaker Cayetano hinggil dito upang sa gayon ay hindi matuloy ang pagpapadala ng kopya ng panukala sa Office of the President.

Sa ganitong paraan ay mabibigyan ng sapat na panahon ang liderato ng Kamara para makipagkonsultasyon sa mga kongresista sa mga posibleng gawin para maresolba ang constitutional issues na iniuugnay sa kontrobersyal na panukala.

Ayon kay Lagman, may precedents nang hinggil dito tulad na lamang nang pagtanggi ni Senate President Vicente Sotto na lagdaan ang enrolled bill ng 2019 General Appropriations Bill (GAB) dahil sa umano’y “insertions” na ginawa ng Kamara matapos na pagtbigayin nila ang Bicameral Conference Committee Report hinggil dito.

Iginiit ni Lagman na dapat isaalang-alang ngayon ni Speaker Cayetano ang protesta mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan laban sa aniya’y “unconstitutional” na Anti-Terrorism Bill.

Ipinapakita lamang din aniya ng malaking bilang ng mga kongresistang bumoto ng negative at nag-abstain sa House Bill 6875 na hindi buo ang suporta ng mga mambabatas naturang panukala.

Ito ay bunsod na rin aniya ng kabiguan ng Kamara na bumalangkas ng sariling bersyon ng panukala dahil ang inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa kamakailan ay gawa ng Senado, na naglalaman aniya ng “draconian provisions” na labag sa human rights at civil liberties.

Dapat na ikonsidera rin aniya ng lider ng Kamara ang pagboto ng negative ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na kalaunan ay binawi ang kanyang authorship sa naturang panukala.