Posible umanong natatakot si Senate President Alan Peter Cayetano na mapatalsik sa pwesto, kaya dalawang beses na siyang hindi sumipot sa sesyon ng Senado
Ayon kay dating Senate Pres. Koko Pimentel, wala siyang ibang rason na nakikita kung bakit hindi pa rin sumisipot si Cayetano sa session ng mataas na kapulungan kungdi ang posibilidad na nababahala siyang mapapalitan na siya bilang lider.
Posible aniyang natatakot si Cayetano na may ilang miyembro ng majority na ang nakapagdesisyon o nakausap ng minority bloc para lumipat ng suporta.
Sa kasalukuyan ay may parehong bilang ang majority at minority (11) matapos mabawasan ang bilang ng mayorya dahil sa pagtatago ni Sen. Ronald Dela Rosa habang nakakulong naman si Sen. Jinggoy Estrada dahil sa kaniyang kasong plunder sa Sandiganbayan.
Sa kabila nito, ipinaliwanag naman ni Pimentel na kinakailangan pa ring makabuo ng 13 boto mula sa mga senador para makapagluklok ng bagong senate president.
Dahil na rin sa ikinikilos ni Cayetano at ng mga miyembro ng majority bloc, sinabi ng dating SP na tila ‘nag-aaktong minority’ o mistulang kumikilos bilang miyembro ng minorya ang mga senador sa majority bloc matapos ang hindi nila pagsasagawa ng sesyon sa loob na ng dalawang araw kahit na hawak niya ang numero.
















