-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Patuloy ang pagkontra ng medical community sa bansa sa kontrobersyal na Senate Bill 2239 o Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act matapos maging ganap na batas noong Hulyo 26.

Sa interview ng Bombo Radyo Kalibo, sinabi ni Dr. Anton Javier, program officer ng Southeast Asia Tobacco Control Alliance na nirerespeto nila ang pasya ng Kongreso, ngunit hindi rin nila masabi kung nagkaroon ng manipulasyon ang pagpasa dito.

Naging batas umano ang panukalang batas sa kabila ng panawagan ng Department of Health at Food and Drug Administration kay Pres. Ferdinand “Bongbong” Marcos na ito ay pigilan.

Sa kabila nito, patuloy ang kanilang paninindigan na may peligrong dala ang vaping sa kalusugan.

Kinukuwestiyon rin ng grupo ang pagbaba sa age limit para sa paggamit ng vape sa 18 mula sa 21-anyos.

Maliban dito, ang pagbigay ng regulatory powers sa Department of Trade and Industry (DTI) mula sa FDA.

Para sa kanila, wala umanong karapatan ang DTI na mag-regulate ng vape products dahil ito ay may kaugnayan sa kalusugan.

Kasabay nito, umapela si Dr. Javier sa mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak upang makaiwas sa bisyo.

Kagaya ng paninigarilyo, ang vape umano ay nakaka-adik rin dahil sa kanyang nicotine content .