-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nahaharap ngayon ang South Korea sa pinakamataas na naitatalang kaso ng COVID-19 na umabot sa mahigit sa 400,000 ang naiulat ngayong araw ng Miyerkules.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Hazel Anne Cledera, OFW sa South Korea na kahapon ay nagtala ng 400,741 ang bagong kaso kahapon na pinakamataas mula noong iniulat ng South Korea unang kaso ng COVID-19.

Sinabi ni Cledera na pangunahing dahilan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa South Korea ay dahil nagluwag na ang mga ipinapatupad na health protocols tulad ng pagbubukas ng karaoke at gatherings.

Ayon pa kay Cledera, nakapagtala ng pinakamataas na bagong kaso na 94,809 ang Gyeongju kaya umakyat na sa 2,149,993 ang total cases

Habang ang kapital ng South Korea na Seoul ay nagtala ng panibagong kaso na 8,139 kaya umakyat na ang kabuuang kaso sa 1,683,745.

Sa kabila na pagtaas ang kaso ng COVID-19 ay wala namang suliranin sa mga health facilities at nakakatugon naman sa hospital bed capacity ang pamahalaan ng South Korea .

Ang ICU hospital bed utilization rate ay 64.2% habang ang general bed utilization rate kung saan nananatili ang mga hindi critical na pasyente ay 46.4% .

Sa mga mild cases anya ay pinapayagan ang 7 day home quarantine na nakatulong upang hindi mapuno ang mga ospital dahil aabot anya sa mahigit 1.7 million ang mga naka-home quarantine.

Ang ginagawa ngayon ng pamahalaan ng South Korea ay nililimitahan na ang pagbubukas ng negosyo at mga gatherings.

Pinaigting din nila ang information dessimination na ipinapadala sa mga cellphones ng mga mamamayan.