Nagpaabot ng pormal na reklamo ang South Korea matapos madala sa maling venue na may isang oras ang layo ang kaniyang men’s volleyball team dahilan upang makansela ang nakatakdang umagang pagsasanay ng koponan bago ang kanilang laro laban sa Taiwan sa Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.
Ayon sa isang opisyal ng Korea Volleyball Association, sa Okazaki dinala ng ibinigay na shuttle bus ang koponan sa halip na sa training venue ng mga ito sa Inuyama kaya nawalan ng sapat na oras ang mga manlalaro upang makapagensayo bago ang kanilang laban kung saan nagwagi pa rin sila sa opensa laban sa Taiwan sa iskor na 3-1.
Bukod sa South Korea, naging biktima rin ng kaparehong kapabayaan ang men’s volleyball team ng Pakistan nang dalhin sila sa maling arena para sa kanilang laban kontra Uzbekistan na nagdulot ng pagkaantala ng laro nang hanggang 45 minuto.
Paliwanag ng tagapagsalita ng local organizing committee, nagkaroon ng pagkakamali sa pagtutugma ng mga sasakyan sa mga kaukulang koponan mula sa iisang pasilidad na pinalagiang akomodasyon ng mga atleta.
Naglabas naman ng pormal na paghingi ng paumanhin ang organizing committee sa magkabilang bansa at nangakong magpapatupad ng mas mahigpit na pagsusuri sa mga ruta ng bus upang hindi na muling maulit ang mga naturang insidente.















