Darating ngayong araw sa bansa ang miyembro ng Korean Coast Guard (KCG) na tutulong sa mga awtoridad ng Pilipinas para sa nagpapatuloy na oil spill clean up sa may karagatan ng Naujan, Oriental Mindoro
Sasamahan ng South Korean Coast Guard ang Japanese at US Coast Guard na nasa bansa na para tumulong sa Philippine Coast Guard (PCG).
Sa ngayon, aabot na sa kabuuang 10 mga bayan ang nasa ilalim ng state of calamity dahil sa oil spill bunsod sa paglubog ng MT Princess Empress na may kargang 900,000 liters ng industrial fuel.
Nakatakda naman ng simulan na ng mga awtoridad ang pagalis ng laman ng motor tanker sa pamamagitan ng special bag na binili mula sa Singapore.
Ayon kay PCG Deputy Commandant for Operations Vice Admiral Rolando Lizor Punzalan Jr, ang pinakamabilis na paraan ay tinatawag na bagging kung saan ipapatong ang bag sa pinagmumulan ng tumagas na langis upang habang napupuno ang bag, unti-unti rin lumalabas ang tubig dagat.
Ayon pa kay Punzalan, nakatakda pa lamang nilang i-schedule ang patching o pagtapal ng maritime vessel at siphoning o pagsipsip ng natitirang langis mula sa oil tanker.