-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Itinuring ng militar ng isang malaking dagok para sa panig ng teroristang Dawlah Islamiya Philippines ang tuluyang pagkapaslang ng kanilang tumatayo na ‘Amir’ o pinaka-pinuno ng kilusang terorismo habang nakipag-engkuwentro sa safehouse nito sa Barangay Bangon,Marawi City,Lanao del Sur.

Kasunod ito ng kompirmasyon ni AFP Wester Mindanao Command spokesperson Maj. Andrew Linao na talagang mga labi ni Daulah Islamiyah-Philippines Amir at Overall Amir of Islamic State-East Asia Faharudin Hadji Benito Satar alyas Abu Zacharia ang napatay ng kanilang puwersa kasama ang pulisya.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Linao na isinilbi sana ng government forces ang warrant of arrest laban kay Zacharia subalit sinalubong umano sila ng mga bala at naghagis pa ng mga pambasabog kaya naganap ang engkuwentro.

Narekober sa crime scene ang mismong bangkay ng suspek kasama ang dalawang M-16 armalite rifles at mga bala nito.

Sa hindi kalayuan na lokasyon,nasawi rin ang sub-leader ni Satar na si Johari Sandap alas Morsid nang isingawa ang follow up operation kaninang umaga.

Si Morsid ay nagsilbing finance,logistic at supply officer ni Satar sa mga kilusang terorismo sa Lanao del Sur at karatig lugar sa Mindanao.

Magugunitang si Zacharia ang pumalit kay Owaida Marohombsar alyas Abu Dar na napatay rin ng govt forces sa Lanao del Norte noong Marso 2019.