LAOAG CITY – Nananatiling nasa Alert Level 1 ang sitwasyon ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) sa South Africa.
Ito’y sa gitna ng pagkakatuklas sa naturang bansa ng bagong variant ng COVID-19 na Omicron.
Ito ang inihayag ni Bombo International News Correspondent Miriam Espiritu Lutchmadoo sa South Africa sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Laoag.
Ayon kay Lutchmadoo, wala pang mga bagong restriksyon na ipinapatupad ang South Africa kasabay ng paglabas ng bagong COVID-19 variant.
Aniya, sa ngayon ay parehong protocols pa rin ang sinusunod sa South Africa ngunit inaasahan na sa mga susunod na araw ay magpapatupad ang gobyerno doon ng mga bagong patakaran upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Samantala, sinabi ni Luchmadoo na mahigpit ang kanilang pag-iingat laban sa virus lalo na ang mga kapwa Pilipino na kasalukuyang nasa South Africa.
Una rito, ipinaalam ni Luchmadoo na mula sa dating 100 na kaso ng COVID-19 ay umabot sa 1,400 na kaso ang naitala sa loob ng dalawang linggo.
Kung maaalala, mababa ang bilang ng mga bakunadong indibidwal sa South Africa na dahil umano sa pangamba ng mga tao sa maaaring maging epekto ng bakuna.