Hindi ang white sand beach sa Manila Bay, kundi ang pagsisikap na matuldukan ang COVID-19 pandemic ang makakapagpabuti ng mental health ng mga Pilipino, ayon kay Vice President Leni Robredo.

Pahayag ito ng pangalawang pangulo sa gitna pa rin ng mga issue kaugnay ng itinambak na dolomite sand sa bahagi ng Manila Bay kamakailan.

“Siguro pinakamalaking tulong sa mental health, iyong ma-suppress kaagad natin iyong virus,” ani Robredo sa isang panayam nitong Biyernes.

“Kasi ito iyong nakakadagdag sa nakakabagabag sa ating lahat—iyong pag-aalala kung ano iyong ating kinabukasan, lalo na sa mga taong nawalan ng trabaho, lalo na sa mga taong hindi alam kung saan kukunin iyong ipapakain sa pamilya sa mga susunod na araw.”

Nanindigan si VP Leni, na bagamat walang mali sa proyekto, ay hindi napapanahon ang implementasyon nito sa gitna ng hinaharap na pandemic crisis ng Pilipinas.

Hindi rin daw angkop na sa kabila ng mga pahayag ng administrasyon na wala ng pera ang pamahalaan, ay nagawa pa ring ituloy ng pamahalaan ang proyekto.

“Maraming nagugutom ngayon, maraming nangangailangan ng tulong, iyong transmission hindi natin ma-control, tapos makikita iyong ganito. Parang number one, insensitive. Insensitive sa kahirapan. Number two, pinapakita na wala talagang—parang walang sense of urgency sa pagasikaso ng [pandemic].”

“Ang sinasabi natin, gaya iyon, iyong Bayanihan 2 may standby fund kasi sabi natin wala tayong pera. Tapos makikita ganito. Parang very contradictory.”

Bukod sa aniya’y hindi praktikal na pagpapatupad ng Manila Bay beautification ngayong pandemic, ikinababahala rin ni Robredo ang posibleng health hazard ng dolimite sand.

Magugunita kasing sinabi ng Department of Health (DOH) na delikado sa kalusugan kapag humalo sa hangin ang pinong porma ng dolomite.

“Ano ba iyong katotohanan as far as the health hazard is concerned? Kasi pati yata iyong DOH, hindi rin naging malinaw. Parang una, concerned sa health hazard. Sunod, parang wala nang nire-raise na concerns.”

Hamon ng bise presidente, kung talagang nais ng administrasyon na mapabuti ang mental health ng mga Pilipino, talunin muna ang pandemya.

“So sa akin lang, sana kung mental health iyong talagang target natin, ginamit sana natin sa bagay na may direct connection sa pag-aappease ng mga worries na nararamdaman natin ngayon.”

Matapos buksan ng dalawang araw, muling isinara sa publiko ang viewing ng white sand beach para ipagpatuloy ang kabuuan ng proyekto.