Kinontra ng ilang kongresista ang pahayag ni House Committee on Constitutional Amendments chairman Alfredo Garbin Jr. na nakaupo na ang Kamara bilang Constituent Assembly (Con-Ass).
Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, hindi maaring tawagin bilang Con-Ass ang pagdinig ng komite sa Resolution of Both Houses No. 2, na inihain mismo ni Speaker Lord Allan Velasco.
Ito ay dahil ang Con-Ass aniya ay joint meeting ng mga miyembro ng Kamara at Senado.
“The House by itself cannot meet as Con-Ass,” giit ni Lagman.
Maging si Isabela Rep. Antonio “Tonypet” Albano ay ganito rin ang posisyon.
Ang nagpapatuloy na deliberasyon sa Charter change (Cha-cha) ay dapat na ituring bilang “committee hearing” lamang kung saan ipapanukala ang pag-convene ng Kongreso bilang Con-Ass para sa pagpasok ng mga amiyenda sa Saligang Batas.
Para maiwasan ang procedural lagpses sa Supreme Court, sinabi ni Albano na dapat ayusin ang technicality sa pagdinig sa Cha-cha.
Pero dahil tinatalakay na nga ng komite ang mga proposals sa pag-amiyenda sa Konstitusyon, sinabi naman ni Garbin na sila ay umuupo na bilang Con-Ass kung saan pinagagana lamang nila ang kanilang constituent power.
Ang Con-Ass aniya ay isang lupon na pinapayagan ng Saligang Batas para magpanukala ng amiyenda sa Charter.
Binubuo aniya ito ng grupo ng mga elected representatives na mayroong kapangyarihan na i-rewrite o baguhin ang Saligang Batas.
“Everytime we deal with proposing amendments to the Constitution or revising the Constitution, we are sitting as a Con-Ass exercising our constituent power,” dagdag pa ni Garbin.
Sinabi naman ni vice chairman Lorenz Defensor na hindi na kailangan ng formal act para para buksan ang deliberasyon sa pag-amiyenda nang Konstitusyon at kung paano sila uupo bilang Con-Ass.









