-- Advertisements --

Umapela si Bataan Rep. Geraldine Roman sa mga kapwa niya kongresista na dagdagan ang pondo ng Veterans Memorial Medical Center (VMMC) para sa susunod na taon.

Ayon kay VMMC Dir. Jun Chiong, P585 million ang kanilang hiniling na pondo pero tanging P160 million lamang ang ipinagkaloob sa kanila ng Department of Budget and Management (DBM) sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP).

Iginiit ni Chiong na hindi sapat ang naturang halaga para matulungan ang nasa 200,000 veterans na kanilang pinagsisilbihan.

Sinabi ni Roman na kung maari ay madagdagan ang alokasyon na ibibigay sa VMMC sa susunod na taon dahil bukod sa mga veterans, bukas din ang serbisyo ng naturang ospital sa mga ordinaryong mamamayan.

Nabatid na ang VMMC ay isa sa mga referral hospitals ng Department of Health (DOH) para sa mga COVID-19 patients ngayong taon.

Sinabi ni Chiong na aabot sa P40 million sa kanilang 2020 budget ang na-realign para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.