Umaasa si dating Health Secretary at kasalukuyang House Senior Deputy Minority Leader Janette Garin na lalo pang lalawak ang COVID-19 testing sa bansa kasunod ng pagtatakda ng Department of Health (DOH) at Department of Trade and Industry (DTI) ng price cap para sa RT-PCR testing.
Sa isang virtual briefing nitong hapon, sinabi ni Garin na long-overdue na ang pagtatakda ng price cap subalit mainam na aniya na ginawa ito ng DOH at DTI dahil kailangan ang pagsasagawa ng malawakang COVID-19 testing.
“Bakit kailangan ng price cap? Dahil pandemya ito, bago ang sakit na ito. Kailangan natin unahin ang kalusugan ng at kaligtasan ng ating mga kababayan — kailangan ng malawakan na testing,” ani Garin.
Iginiit ni Garin na walang sinumang ligtas sa COVID-19 sapagkat marami aniya sa carriers ng novel coronavirus 2019 ay hindi naman nagpapakita ng anumang sintomas ng sakit.
Ang mga silent spreaders na ito ang siyang dahilan aniya kung bakit kailangan na magkaroon ng malawakang testing, na posible lamang gawin kung magkaroon ng “curve” sa presyo.
Gayunman, naniniwala si Garin na dapat mas mababa pa ang ceiling na itinakda ng DOH at DTI para sa COVID-19.
“Sa paglalagay ng price cap sana ay maging mas mabusisi ang mga nagdesisyon ukol dito. Dahil ang inilabas nilang price cap, sa pananaw ko, is a big joke — it is not answerable to what the pricing should be. Dapat makatarungan ang price cap na itatalaga dahil kailangan na kailangan ito ng sambayanang Pilipino at hindi ito dapat pinagkakakitaan ng malaki,” saad ng kongresista.
“Pricing should consider donations from government, private entities, manpower subsidized by the government, test kits and other supplies. Kailangan suwayin at pigilan ang mga umaabusong organisasyon, o mga pasilidad na ginagawang negosyo ang COVID-19 testing at the expense of our people and our government,” dagdag pa nito.
Pinaalalahanan naman din ng kongresista ang mga organisasyon o mga health facilities na huwag gawing negosyo ang COVID-19 testing sa pamamagitan ng mataas na singil sa presyo.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, P4,500 hanggang P5,000 ang price cap ng COVID-19 swab test sa mga private testing hubs, habang P3,800 naman sa mga public testing centers.