Umapela si Senior Citizens Party-list Rep. Francisco Datol sa mga barangay na pagtuunan din ng pansin at tulungan ang mga nakatatanda sa gitna nang kinakaharap na krisis bunsod ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Datol, ang mga matatanda ay pinakamadaling kapitan ng deadly virus kaya marapat lang na tugunan ang pangangailangan ng mga ito sa sitwasyon ng bansa ngayon.
Payo ni Datol sa mga may kasamang senior sa bahay, agad na abisuhan ang barangay para matulungan sa pag-asikaso sa mga nakatatanda.
“Kung mag-isa lamang sa bahay ang senior, ngayon pa lamang kontakin na po ninyo ang inyong barangay chairman upang anuman ang inyong pangangailangan, sila na po ang bahalang mag-asikaso dahil mas delikado po sa inyo na kayo mismo ang lumabas ng inyong tahanan para lamang bumili ng gamot o pagkain,” ani Datol
“Mayroon pong mga botikang handang mag-deliver sa inyong bahay ng mga kailangan ninyong maintenance na gamot. May gayunding serbisyo ang mga grocery at supermarket o kung hindi nila magawa, ihabilin ninyo sa inyong barangay captain para siya na mismo ang umalalay sa inyo,” dagdag pa nito.