Hintayin munang makamit ng bansa ang tinatarget na herd immunity laban sa novel coronavirus 2019 bago payagan ang pagbubukas ng mga sinehan sa bansa, ayon kay House Assistant Majority Leader Precious Hipolito Castelo.
Malaki kasi aniya ang peligro para sa mga mamamayan kung papayagan ang muling pagbubukas ng mga sinehan lalo na ngayon ay may mga lumulutang na mas nakakahawang strain ng COVID-19.
Ayon kay Castelo, dapat makinig ang IATF sa mga eksperto, at sa mga alkalde sa Metro Manila na mariing tinututulan ang pagbubukas ulit ng mga sinehan kasabay nang unti-unting pagluwag ng quarantine restrictions.
Maari lamang aniyang muling buksan ang industriyang ito, pati na rin ang iba pang amusement centers, kung mabakunahan na ng pamahalaan 60 percent hanggang 70 percent ng mga Pilipino.
Sa ngayon, puwede naman kasi aniyang manood ang publiko ng mga paburito nilang palabas sa telebisyon, bagay na ginagawa naman ng halos isang taon na nang unang ipinatupad ang lockdown sa gitna ng pandemya noong Marso 2020.