-- Advertisements --

Hinimok ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang Department of Health (DOH) na huwag irekominda ang paggamit ng rapid antibody test (RAT) sa pagsusuri sa mga tao para sa COVID-19 infection.

Sa kanyaang inihaing House Resolution No. 1146, iginiit ni Rodriguez na dapat ang reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) o swab test ang i-promote ng DOH dahil actual presence ng virus ang ipinapakita nito.

Ang RAT kasi aniya ay nakakapag-detect lamang ng antibodies, na inilalabas ng katawan bilang tugon sa infectious agent tulad ng COVID-19.

Sa kabila kasi aniya ng inaccuracies ng RAT, marami pa ring mga business establishments ang gumagamit nito para i-screen ang kanilang mga empleyadong bumabalik sa trabaho.

Tinukoy din ng kongresista sa kanyang resolusyon ang pahayag ng ilang mga eksperto na nananawagan sa DOH na i-discourage ang paggamit ng RAT.

Kabilang na rito ang naging pahayag ni University of the Philippines Manila Microbiologist-scientist Prof. Marilen Balolong na ang RT-PCR test ay 97% percent na accurate, habang ang reliability naman sa RAT ay 30% hanggang 80% lamang.