-- Advertisements --

Hinimok ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang Department of Health (DOH) na kaagad magtalaga ng COVID-19 testing laboratories sa Mindanao.

Inirekominda ni Rodriguez na lahat ng mga ospital sa Mindanao ay i-accredit ng DOH bilang testing laboratory para sa COVID-19.

Sa ngayon, tanging ang Southern Philippine Medical Center sa Davao City lamang kasi aniya ang itinalaga bilang COVID-19 testing laboratory.

Ang Northern Mindanao Medical Center sa Cagayan de Oro, na napilipi bilang COVID-19 referral center, ay wala pa ring testing laboratory at wala ring test kits hanggang sa ngayon kaya ang swab samples ay ipinapadala pa sa Davao City kaya nagkakaroon ng delay.

Sinabi ni Rodriguez na suportado ng iba’t ibang negosyante, doktor, local leaders at ng kanilang mamamayan ang agarang pagtatalaga ng maraming COVID-19 testing laboratories sa Mindanao.

Sa ganitong paraan ay magiging mas accessible sa mga taga-Mindanao ang COVID-19 testing at makakatulong ng husto para maiwasan ang pagkalat pa lalo ng virus.