-- Advertisements --

Nanindigan si ACT Teachers party-list Rep. France Castro na maari pa ring maisingit sa deliberasyon ng Kamara sa Charter change (Cha-cha) ang mga political amendments sa 1987 Constitution.

Sa pagdinig ng House Committee on Constitutional Amendments, sinabi ni Castro na kahit nakatutok lamang ang komite sa “restrictive” economic provisions, maari namang ibang direksyon ang tahakin ng Senado at talakayin ang mga political amendments, pati na rin ang palawigin ang termino ng ilang elected officials at tanggalin ang kanilang term limits.

Magugunita na noong Disyembre 2020 ay naghain ng resolusyon sina Senators Ronald Dela Rosa at Francis Tolentino para hilingin na mag-convene ang Kongreso bilang Constituent Assembly para amiyendahan ang 1987 Constitution.

Nakasaad sa naturang resolusyon na ang mga amiyenda ay lilimitahan lamang sa mga probisyon sa democratic representation at economic provisions ng Saligang Batas.

Pero ayon kay House constitutional amendments chair Alfredo Garbin Jr., bagama’t hindi siya makakapagsalita para sa Senado, ang outcome naman ng Cha-cha deliberations para sa dalawang kapulungan ay dadaan pa sa diskusyon ng bicameral conference committee.

Kaya naman sinabi ni Castro na posible pa ring maisingit ang political amendments sa Constitution.

“Tama yung pangamba namin na hindi lang talaga strictly for economic provisions ito. Kasi kapag nag-combine, walang magpe-prevent sa Houses na talakayin hindi lang ang economic provisions, hindi lang political,” ani Castro.

Gayunman, tiniyak ni vice chairman Lorenz Defensor kay Castro na ang Kamara ay tatalakayin at isusulong lamang ang mga amiyenda sa “restrictive” economic provisions at wala nang iba, gaya nang nakasaad sa ilalim ng Resolution of Both Houses No. 2 ni Speaker Lord Allan Velasco.

Layon ng naturang resolusyon na maisingit ang pariralang “unless otherwise provided by law” sa mga constitutional provisions sa national patrimony at economy; education, science and technology, arts, culture, and sports; at general provisions para bigyan nang flexibility ang Kongreso na makapag-apruba ng batas na makakapagpaluwag nang ekonomiya sa mga foreign investors.