Nagpahayag ng pagdududa si Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jay-jay” Suarez sa naging resulta ng survey ng Pulse Asia na maaari umanong gamitin upang linlangin ang publiko kaugnay ng panukala na amyendahan ang Konstitusyon.
Ang pahayag ni Suarez ay kaugnay ng resulta ng pinakahuling survey ng Pulse Asia kung saan mayroon umanong mga tanong na inilagay para maimpluwensyahan ang magiging resulta.
Ayon kay Suarez ang mayroong mga tanong na inilagay upang magduda o matakot ang mga respondent na pumabor sa panukalang amyendahan ang Konstitusyon.
“The phrasing of the questions by Pulse Asia seemed crafted to steer respondents towards a specific viewpoint on Charter amendments,” ayon kay Suarez.
Puna rin ni Suarez may mga tanong na hindi naman pinag-uusapan sa Kongreso gaya ng usapin ng pagpapalit ng uri ng pamahalaan o mula sa unitary system ay gagawin itong federal system, pagpapalawig ng termino ng mga halal na opisyal, at paglipat mula sa presidential system patungong parliamentary system of government, at mula sa bicameral tungo sa unicameral legislature.
Ang survey ay naglaman din ng pagkiling tungkol sa pagpapahintulot sa mga dayuhan na pag-aralan at tuklasin ang likas na yaman ng Pilipinas.
Binigyang diin ng mambabatas na ang kasalukuyang pagsisikap sa pagbabago ng 1987 Constitution ay pangunahing nakatuon lamang sa mga probisyong pang-ekonomiya at hindi sa mga probisyong pang-pulitika.
Iginiit ni Suarez na ang dapat isinama sa survey ay ang katungan kaugnay lamang sa kasalukuyang layunin ng pagnukalang pag-amyenda o ang limitadong pagbabago sa economic provisions ng Konstitusyon.
Nangangamba si Suarez sa maaaring maging epekto ng biased na survey sa usapin ng pag-amyenda ng Konstitusyon.
“Biased survey questions can distort public perception and hinder meaningful dialogue on constitutional reform,” babala pa ni Suarez.
Binanggit din ng mambabatas ang kahalagahan ng pagiging patas ng mga survey, lalo na sa mga mahahalagang usaping pambansa partikular na ang reporma sa Saligang Batas.
Hinimok naman ng mambabatas ang mga survey institution, kabilang na ang Pulse Asia, na gumawa ng eksakto at patas na disenyo ng mga katanungan upang hindi makalikha ng kalituhan sa publiko.
Hinimok din ng mambabatas ang lahat, kabilang na ang mga survey firms, media, at ang publiko na makilahok sa mga paraan na nagbibigay ng linaw at pag-unawa sa mga nakasalalay na usapin.
Ayon sa resulta ng Pulse Asia survey, 74 na porsyento ng mga respondent ang naniniwala na hindi napapanahon at hindi dapat amyendahan ang 1987 Constitution.
Ipinunto rin ni Suarez ang pagkakaiba ng resulta ng Pulse Asia survey sa survey na ginawa ng Tangere kung saan 52 porsyento ng mga Pilipino ang pabor sa Charter Change.
Sa survey ng Tangere, 14 porsyento ang maigting na sumasang-ayon, habang 38 porsyento naman ang may bahagyang pangsang-ayon.
Nasa 13 porsyento naman ang may pag-aalinglangan, habang 10 porsyento ang nagpahayag ng matinding pagtutol sa pagbabago ng Saligang Batas. Habang ang 25 porsyento ay wala pang pagpapasya kung sila ay sang-ayon o tutol sa pag-amyenda ng Konstitusyon.
Nagpasalamat si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga sumuporta sa pag-amyenda ng Konstitusyon at tiniyak na patuloy itong isusulong.
Iginiit ni Speaker Romualdez ang kanyang kahandaan na makipagtulungan sa lahat ng mga stakeholder upang maisakatuparan ang inaasam na mga pagbabago sa Konstitusyon, na naglalayong palakasin ang mas maunlad, makatarungan, at patas na kinabukasan para sa Pilipinas.










