Umapela si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez kay Pangulong Rodrigo Duterte na ibigay sa 18 million low-income families ang emergency cash assistance sa ilalim ng social amelioration program.
Dapat aniyang irekonsidera ng Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Diseases (IATF-EID) ang rekomendasyon nito sa Pangulo na ang second tranche ng SAP ay ililimita na lamang sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino na nakatira sa mga lugar na nakasailalim sa enhanced community quarantine at modified enhanced community quarantine.
“I am appealing to the IATF to change that recommendation, because it violates the Bayanihan Law, or Republic Act No. 11469, which specifically targets 18 million low income households as beneficiaries of financial aid for two months – last month and this month,” ani Rodriguez.
Iginiit ng kongresista na malinaw na nakasaad sa Bayanihan to Heal as One Act na pinapahintulutan si Pangulong Rodrigo Duterte na magbigay ng emergency subsidy sa 18 million low-income house holds na nagkakahalaga ng P5,000 hanggang P8,000 sa loob ng dalawang buwan dipende regional minimum wage rates.
Kamakailan lang ay isinailalim ng IATF-EID ang Metro Manila at iba pang local government units sa ilalim ng modified enhanced community quarantine at enhanced community quarantine, habang ang nalalabing lugar sa bansa ay isinailalim sa general community quarantine.
Nais ng IATF-EID na limitahan ang second tranche ng financial assistance sa mga napapabilang sa enhanced community quarantine at modified enhanced community quarantine dahil sa problema sa pondo.
Pero nais naman nilang mapasama sa mabibigayn ng emergency subsidy ang karagdagang limang milyong pamilya na hindi nakatanggap ng pondo noong nakaraang buwan.