-- Advertisements --

Inihahanda na ng US biotech firm na Moderna ang 40 million doses ng Moderna COVID-19 vaccine na ibibigay nito sa South Korea simula sa buwan ng Mayo.

Ginawa ang hakbang na ito matapos magkaroon ng kasunduan sa pagitan ng Moderna at Korean government upang makabili ito ng vaccine doses na ipapamahagi sa 20 milyong mamamayan ng naturang bansa.

Sa ngayon ay hindi pa aprubado ang COVID-19 vaccine ng Moderna sa South Korea ngunit tiniyak ng kumpanya na nakikipag-ugnayan na ito sa mga regulators upang makuha na ang approval na kinakailangan bago ito ipamigay sa publiko.

Una nang nagbigay ng emergency use authorization (EUA) ang Estados Unidos at Canada para sa bakuna na gawa ng MOderna.

Sa oras na matanggap na ng South Korea ang nasabing supply ay saka naman ito bibili ulit ng gamot para tuluyan nang mabakunahan ang 56 milyong populasyon ng bansa.