Nagtala ang South Korea ng pinakamataas na temperatura sa kasaysayan matapos umabot sa higit 41 degrees Celsius ang init bunsod nang matinding heatwave.
Ayon sa Korea Meteorological Administration (KMA), nalampasan nito ang dating national record na 41.0 degrees Celsius na naitala noong 2018.
Tatlong magkakasunod na araw nang lumalagpas sa 40 degrees Celsius ang temperatura sa Yangsan dahil sa matinding heatwave na nararanasan sa malaking bahagi ng bansa.
Dahil dito, itinaas na ng KMA ang pinakamataas na antas ng heatwave warning sa ilang lugar sa South Gyeongsang Province, habang nananatili rin ang mga babala sa buong bansa.
Nabatid na ang matinding init ay dulot ng pagsabay ng North Pacific High at Tibetan High pressure systems, na nagkukulong sa mainit na hangin at pumipigil sa pagbuo ng mga ulap.
Samantala, patuloy ring binabantayan ng mga awtoridad ang Typhoon Dolphin, na maaaring makaapekto sa lagay ng panahon sa Korean Peninsula sa susunod na linggo, bagama’t hindi pa tiyak kung mababawasan nito ang nararanasang matinding init sa bansa.










